**Pag-uwi ni Florante sa Albanya**
254
“Bininit sa busog ang siyang katulad
ng tulin ng aming daong sa paglayag,
kaya di naglaon paa ko’y yumapak
sa dalampasigan ng Albanya Syudad.
255
“Pag-ahon ko’y agad nagtulo sa Kinta,
di humihiwalay katotong sinta;
paghalik sa kamay ng poon kong ama,
lumala ang sakit nang dahil kay ina.
256
“Nagdurugong muli ang sugat ng puso,
humigit sa una ang dusang bumugso;
nawikang kasunod ng luhang tumulo:
Ay, Ama! kasabay ng bating Ay, bunso.
257
“Anupa’y ang aming buhay na mag-ama,
nayapos ng bangis ng sing-isang dusa;
kami ay dinatnang nagkakayakap pa
niyong embahador ng Bayang Krotona.
258
“Nakapanggaling na sa Palasyo Real
at ipinagsabi sa hari ang pakay;
dala’y isang sulat sa ama kong hirang,
titik ng monarkong kaniyang biyenan.
259
“Humihinging tulong at nasa pangamba,
ang Krotonang Reyno’y kubkob ng kabaka;
ang puno ng hukbo’y balita ng sigla–
Heneral Osmalic na bayaning Persya.
260
“Ayon sa balita’y pangalawa ito
ng Prinsipe niyang bantog sa sangmundo–
Alading kilabot ng mga gerero,
iyong kababayang hinahangaan ko.”
261
Dito napangiti ang Morong kausap,
sa nagsasalita’y tumugong banayad;
aniya’y “Bihirang balita’y magtapat,
kung magkatotoo ma’y marami ang dagdag.
262
“At saka madalas ilala ng tapang
ay ang guniguning takot ng kalaban;
ang isang gererong palaring magdiwang,
mababalita na at pangingilagan.
263
“Kung sa katapanga’y bantog si Aladin,
may buhay rin namang sukat na makitil;
iyong matatantong kasimpantay mo rin
sa kasam-ang-palad at dalang hilahil.”
264
Sagot ni Florante, “Huwang ding maparis
ang gererong bantog sa palad kong amis;
at sa kaaway ma’y di ko ninanais
ang laki ng dusang aking napagsapit.
265
“Natanto ni ama ang gayong sakuna-
sa Krotonang Baya’y may balang sumira,
ako’y isinama’t humarap na bigla
sa Haring Linceong may gayak nang digma.
266
“Kami ay bago pang nanakyat sa hagdan
ng palasyong batbat ng hiyas at yaman
ay sumasalubong na ang haring marangal,
niyakap si ama’t noo’y kinamayan.
267
“Ang wika’y ‘O Duke, ang kiyas na ito
ang siyang kamukha ng bunying gerero;
aking napangarap na sabi sa iyo,
magiging haligi ng setro ko’t reyno.
268
“Sino ito’t saan nanggaling na syudad’
ang sagot ni ama…’ay bugtong kong anak
na inihahandog sa mahal mong yapak,
ibilang sa isang basalyo’t alagad.’
269
“Namangha ang hari at niyakap ako,
‘Mabuting panahon itong pagdating mo;
ikaw ang heneral ng hukbong dadalo
sa Bayang Krotonang kinubkob ng Moro.
270
“Patotohanan mong hindi iba’t ikaw
ang napangarap kong gererong matapang
na maglalathala sa sansinukuban
ng kapurihan ko at kapangyarihan.
271
“Iyong kautangan paroong mag-adya
nuno mo ang hari sa Bayang Krotona;
dugo kang mataas ay dapat kumita
ng sariling dangal at bunyi ng gyera.’
272
“Sapagkat matuwid ang sa haring saysay,
umayon si ama, kahit mapait man,
na agad masubo sa pagpapatayan
ang kabataan ko’t di kabihasaan.
273
“Ako’y walang sagot na naipahayag
kundi Haring poo’t nagdapa sa yapak;
nang aking hahagkan ang mahal na bakas,
kusang itinindig at muling niyakap.
274
“Nag-upuan kami’t saka nagpanayam
ng balabalaki’t may halagang bagay,
nang sasalitin ko ang pinagdaanan
sa Bayang Atenas na pinanggalingan.
275
“Siyang pamimitak at kusang nagsabog
ng ningning ang talang kaagaw ni Venus–
Anaki ay bagong umahon sa bubog,
buhok ay naglugay sa perlas na batok.
276
“Tuwang pangalawa kung hindi man langit
ang itinatapon ng mahinhing titig;
O, ang luwalhating buko ng ninibig
pain ni Cupidong walang makarakip.
277
“Liwanag ng mukha’y walang pinag-ibhan
kay Pebo kung anyong bagong sumisilang;
katawang butihin ay timbang na timbang
at mistulang ayon sa hinhin ng asal.
278
“Sa kaligayaha’y ang nakakaayos–
bulaklak na bagong winahi ng hamog;
anupa’t sinumang palaring manood,
patay o himala kung hindi umirog.
279
“Ito ay si Laurang ikinasisira
ang pag-iisip ko tuwing magunita,
at dahil sa tanang himutok at luha–
itinotono ko sa pagsasalita.
280
“Anak ni Linceong Haring napahamak,
at kinabukasan ng aking pagliyag;
(Bakit itinulot, Langit na mataas…
na mapanood ko kung di ako dapat!)
281
“(O Haring Linceo, kung di mo pinilit
na sa salitaan nati’y makipanig,
ang buhay ko disi’y hindi nagkasakit
ngayong pagliluhan ng anak mong ibig!)
282
“Hindi katoto ko’t si Laura’y di taksil,
aywan ko kung ano’t lumimot sa akin!
ang palad ko’y siyang alipusta’t linsil,
di laang magtamo ng tuwa sa giliw.
283
“(Makakapit kaya ang gawang magsukab
sa pinakayaman ng langit sa dilag?
kagandaha’y bakit di makapagkalag
ng pagkakapatid sa maglilong lakad?)
284
“(Kung nalalagay ka, ang mamatuwirin,
sa laot ng madlang sukat ipagtaksil,
dili ang dangal mong dapat na lingapin,
mahigit sa walang kagandaha’t ningning?)
285
“(Ito ay hamak pa bagang sumansala
ng karupukan mo at gawing masama,
kung ano ang taas ng pagkadakila,
siya ring lagapak naman kung marapa.)
286
“O bunying gererong naawa sa akin,
pagsilang na iyong nabagong bituin,
sa pagkakita ko’y sabay ang paggiliw,
inagaw ang pusong sa ina ko’y hain.
287
“Anupa’t ang luhang sa mata’y nanagos
nang pagkaulila sa ina kong irog,
natungkol sa sinta’t puso’y nangilabot,
baka di marapat sa gayong alindog.
288
“Hindi ko makita ang patas na wika
sa kaguluhan ko’t pagkawalang-diwa,
nang makiumpok na’y ang aking salita,
anhin mang tuwiran ay nagkakalisya.
289
“Nang malutas yaong pagsasalitaan
ay wala na akong kamaharlikahan;
kaluluwa’y gulo’t puso’y nadadarang
sa ningas ng sintang bago kong natikman.
290
“Tatlong araw noong piniging ng hari
sa palasyo real na sa yama’t bunyi
ay di nakausap ang punong pighati
na inaasahang iluluwalhati.
291
“Dito ko natikman ang lalong hinagpis,
higit sa dalitang naunang tiniis;
at binulaan ko ang lahat ng sakit
kung sa kahirapan mula sa pag-ibig.
292
“Salamat at noong sa kinabukasan,
hukbo ko’y lalakad sa Krotonang Bayan,
sandaling pinalad na nakapanayam
ang prinsesang bumihag niring katauhan.
293
“Ipinahayag ko ng wikang mairog,
ng buntunghininga, luha at himutok,
ang matinding sintang ikinalulunod
magpahanggang ngayon ng buhay kong kapos.
294
“Ang pusong matibay ng himalang dikit,
nahambal sa aking malumbay na hibik;
dangan ang kaniyang katutubong bait
ay humadlang disin sinta ko’y nabihis.
295
“Nguni’t kung oo’y di man binitiwan,
naliwanagan din sintang nadirimlan;
at sa pagpanaw ko ay pinabaunan
ng may hiyang perlas na sa mata’y nukal.
296
“Dumating ang bukas ng aking pag-alis,
sino ang sasayod ng bumugsong sakit?
dini sa puso ko’y alin ang hinagpis
na hindi nagtimo ng kaniyang kalis?
297
“May sakit pa kayang lalalo ng tindi
na ang sumisinta’y mawalay sa kasi?
guniguni lamang di na ang mangyari,
sukat ikalugmok ng pusong bayani.
298
“(O, nangag-aalay ng mabangong suob
sa dakilang altar ni kupidong diyos,
sa dusa ko’y kayo ang nakatatarok
noong maulila sa Laura kong irog!)”