**Ang Patibong ni Adolfo at Ang Kasaysayan ni Aladin**
329
“Lumago ang binhing mula sa Atenas
ipinunlang nasang ako’y ipahamak;
kay Adolfo’y walang bagay na masaklap,
para ng buhay kong hindi nauutas.
330
“Di nag-ilang buwan ang sa reynong tuwa
at pasasalamat sa pagkatimawa,
dumating ang isang hukbong maninira
na taga-Turkiyang masakim na lubha.
331
“Dito ang panganib at pag-iiyakan
ng bagong nahugot sa dalitang bayan,
lalo na si Laura’t ang kapangambahan
ang ako ay sam-ing palad sa patayan.
332
“Sapagkat heneral akong iniatas
ng hari sa hukbong sa Moro’y lalabas;
nag-uli ang loob ng bayang nasindak,
puso ni Adolfo’y parang nakamandag.
333
“Niloob ng Langit na aking nasupil
ang hukbo ng bantog na si Miramolin;
siyang mulang araw na ikinalagim
sa Reynong Albanya ng Turkong masakim.
334
“Bukod dito’y madlang digma ng kaaway
ang sunod-sunod kong pinagtagumpayan;
anupa’t sa aking kalis na matapang,
labimpitong hari ang nangagsigalang.
335
“Isang araw akong bagong nagbiktorya
sa Etolyang Syudad na kusang binaka,
tumanggap ng sulat ng aking monarka,
mahigpit na biling umuwi sa Albanya.
336
“At ang pamamamahala sa dala kong hukbo,
ipinagtiwalang iwan kay Minandro;
noon di’y tumulak sa Etolyang Reyno,
pagsunod sa hari’t Albanya’y tinungo.
337
“Nang dumating ako’y gabing kadiliman,
pumasok sa reynong walang agam-agam;
pagdaka’y kinubkob… (laking kaliluhan!)
ng may tatlumpong libong sandatahan.
338
“Di binigyang-daan akin pang mabunot
ang sakbat na kalis at makapamook;
buong katawan ko’y binidbid ng gapos,
piniit sa karsel na katakut-takot.
339
“Sabihin ang aking pamamangha’t lumbay,
lalo nang matantong monarka’y pinatay
ng Konde Adolfo’t kusang idinamay
ang ama kong irog na mapagpalayaw.
340
“Ang nasang yumama’t haring mapatanyag
at uhaw sa aking dugo ang yumakag
sa puso ng konde sa gawang magsukab…
(O, napakarawal na Albanyang Syudad!)
341
“(Mahigpit kang aba sa mapagpunuan
ng hangal na puno at masamang asal,
sapagka’t ang haring may hangad sa yaman
ay mariing hampas ng Langit sa bayan.)
342
“Ako’y lalong aba’t dinaya ng ibig,
may kahirapan pang para ng marinig
na ang prinsesa ko’y nangakong mahigpit
pakasal sa Konde Adolfong balawis?
343
“Ito ang nagkalat ng lasong masidhi
sa ugat ng aking pusong mapighati
at pinagnasaang buhay ko’y madali
sa pinanggalingang walang magsauli.
344
“Sa pagkabilanggong labingwalong araw,
naiinip ako ng di pagkamatay;
gabi nang hangui’t ipinagtuluyan
sa gubat na ito’t kusang ipinugal.
345
“Bilang makalawang maligid ni Pebo
ang sandaigdigan sa pagkagapos ko,
nang inaakalang nasa ibang mundo,
imulat ang mata’y nasa kandungan mo.
346
“Ito ang buhay kong silu-silong sakit
at hindi pa tanto ang huling sasapit…”
mahabang salita ay dito napatid,
ang gerero naman ang siyang nagsulit.
347
“Ang pagkabuhay mo’y yamang natalastas,
tantuin mo naman ngayon ang kausap;
ako ang Aladin sa Persyang Syudad,
anak ng balitang Sultang Ali-Adab.
348
“Sa pagbatis niring mapait na luha,
ang pagkabuhay ko’y sukat mahalata…
(Ay, ama ko! bakit…? Ay, Fleridang tuwa!)
katoto’y bayaang ako’y mapayapa.
349
“Magsama na kitang sa luha’y maagnas,
yamang pinag-isa ng masamang palad;
sa gubat na ito’y hintayin ang wakas
ng pagkabuhay tang nalipos na hirap.”
350
Hindi na inulit ni Florante naman,
luha ni Aladi’y pinaibayuhan;
tumahan sa gubat na may limang buwan,
nang isang umaga’y naganyak maglibang.
351
Kanilang nilibot ang loob ng gubat,
kahit bahagya nang makakitang landas;
dito sinalita ni Alading hayag
ang kanyang buhay na kahabag-habag.
352
Aniya’y “Sa madlang gyerang dinaanan,
di ako naghirap ng pakikilaban
para nang bakahin ang pusong matibay
ni Fleridang irog na tinatangisan.
353
“Kung nakikiumpok sa madlang prinsesa’y,
si Diana’y sa gitna ng maraming Nimpa,
kaya’t kung tawagin sa Reynong Persya,
isa si Houris ng mga propeta.
354
“Anupa’t pinalad na aking dinaig
sa katiyagaan ang pusong matipid;
at pagkakaisa ng dalawang dibdib
pagsinta ni ama’y nabuyong gumiit.
355
“Dito na minulan ang pagpapahirap
sa aki’y ninasang buhay ko’y mautas;
at nang magbiktorya sa Albanyang Syudad,
pagdating sa Persya’y binilanggo agad.
356
“At ang ibinuhat na kasalanan ko,
di pa utos niya’y iniwan ang hukbo;
at nang mabalitaang reyno’y nabawi mo,
noo’y hinatulang pupugutan ng ulo.
357
“Nang gabing malungkot na kinabukasan,
wakas na tadhanang ako’y pupugutan,
sa karsel ay nasok ang isang heneral,
dala ang patawad na lalong pamatay.
358
“Tadhanang mahigpit ay malis pagdaka,
huwag mabukasan sa Reyno ng Persya;
sa munting pagsuway-buhay ko ang dusa…
sinunod ko’t utos ng hari ko’t ama.
359
“Nguni’t sa puso ko’y matamis pang lubha
na tuloy nakitil ang hiningang aba,
huwag ang may buhay na nagugunita–
iba ang may kandong sa langit ko’t tuwa.
360
“May anim na ngayong taong walang likat
nang nilibut-libot na kasama’y hirap…”
napatigil dito’t sila’y may namatyag–
nagsasalitaan sa loob ng gubat.