**Kasaysayan ni Flerida**
361
Napakinggan nila’y ganitong saysay
“nang aking matatap na papupugutan
ang abang sinta kong nasa bilangguan
nagdapa sa yapak ng haring sukaban.
362
“Inihinging-tawad ng luha at daing
ang kaniyang anak na mutya ko’t giliw;
ang sagot ay kundi kusa kong tanggapin
ang pagsinta niya’y di patatawarin.
363
“Anong gagawin ko sa ganitong bagay?
ang sinta ko kaya’y bayaang mamatay?
napahinuhod na ako’t nang mabuhay
ang prinsipeng irog na kahambal-hambal!
364
“Ang di nabalinong matibay kong dibdib
ng suyo ng hari, bala at paghibik,
naglambot na kusa’t humain sa sakit
at nang mailigtas ang buhay ng ibig.
365
“Sa tuwa ng hari, pinawalan agad
ang dahil ng aking luhang pumapatak;
datapwa’t tadhanang umalis sa syudad
at sa ibang lupa’y kusang mawakawak.
366
“Pumanaw sa Persya ang irog ko’t buhay
na hindi man kami nagkasalitaan;
tingni kung may luha akong ibubukal
na maitutumbas sa dusa kong taglay!
367
“Nang iginagayak sa loob ng reyno
yaong pagkakasal na kamatayan ko,
aking naakalang magdamit-gerero
at kusang nagtanan sa real palasyo.
368
“Isang hatinggabi kadilima’y lubha,
lihim na naghugos ako sa bintana;
walang kinasama kung hindi ang nasa–
matunton ang sinta kung nasaang lupa.
369
“May ilan nang taon akong naglagalag
na pinapalasyo ang bundok at gubat;
dumating nga rito’t kita’y nailigtas
sa masamang nasa niyong taong sukab…”
370
Salita’y nahinto sa biglang pagdating
ng Duke Florante’t Prinsipe Aladin;
na pagkakilala sa boses ng giliw,
ang gawi ng puso’y di mapigil-pigil.
371
Aling dila kaya ang makasasayod
ng tuwang kinamtan ng magkasing irog?
sa hiya ng sakit sa lupa’y lumubog,
dala ang kaniyang naputol na tunod.
372
Saan kalangitan napaakyat kaya
ang aking Florante sa tinamong tuwa;
ngayong tumititig sa ligayang mukha
ng kaniyang Laurang ninanasa-nasa?
373
Anupa nga’t yaong gubat na malungkot,
sa apat ay naging paraiso’t lugod;
makailang hintong kanilang nilimot
na may hininga pang sukat na malagot.
374
Sigabo ng tuwa’y nang dumalang-dalang,
dininig ng tatlo ang kay Laurang buhay;
nasapit sa reyno mula nang pumanaw
ang sintang nanggubat; ganito ang saysay…