Sa Babasa Nito
1
Salamat sa iyo, O nanansang irog,
kung halagahan mo itong aking pagod;
ang tula ma’y bukal ng bait na kapos,
pakikinabangan ng ibig tumarok.
2
Kung sa biglang tingi’y bubot at masaklap,
palibhasa’y hilaw at mura ang balat;
nguni’t kung namnamin ang sa lamang lasap,
masasarapan din ang babasang pantas.
3
Di ko hinihinging pakamahalin mo,
tawana’t dustain ang abang tula ko;
gawin ang ibigi’t alpa’y nasa iyo
ay huwag mo lamang baguhin ang berso.
4
Kung sa pagbasa mo’y may tulang malabo,
bago mo hatulang katkatin at liko,
pasuriin muna ang luwasa’t hulo,
at makikilalang malinaw at wasto.
5
Ang may tandang letra alinmang talata,
di mo mawatasa’t malalim na wika,
ang mata’y itingin sa dakong ibaba,
buong kahuluga’y mapag-uunawa.
6
Hanggang dito ako, O nanasang pantas,
sa kay Sigesmundo’y huwag ding matulad;
Sa gayong katamis wikang masasarap
ay sa kababago ng tula’y umalat.