FLORANTE AT LAURA
**Paglalarawan sa Kalagayan ni Florante**
1
Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,
dawag na matinik ay walang pagitan,
halos naghihirap ang kay Febong silang
dumalaw sa loob ng lubhang masukal.
2
Malalaking kahoy-ang ang inihahandog
pawang dalamhati, kahapisa’t lungkot;
huni pa ng ibon ay nakalulunos
sa lalong matimpi’t nagsasayang loob.
3
Tanang mga baging namimilipit
sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik;
may bulo ang bunga’t nagbibigay-sakit
sa kanino pa mang sumagi’t malapit.
4
Ang mga bulaklak ng nagtayong kahoy,
pinakamaputing nag-uungos sa dahon;
pawang kulay luksa at nakikiayon
sa nakaliliyong masangsang na amoy.
5
Karamiha’y Cipres at Higerang kutad
na ang lilim niyon ay nakasisindak;
ito’y walang bunga’t daho’y malalapad
na nakadidilim sa loob ng gubat.
6
Ang mga hayop pang dito’y gumagala,
karamiha’y Sierpe’t Basilisco’y madla,
Hiena’t Tigreng ganid na nagsisisila
ng buhay ng tao’t daiging kapuwa.
7
Ito’y gubat manding sa pinto’y malapit
ng Avernong Reyno ni Plutong masungit;
ang nasasakupang lupa’y dinidilig
ng Ilog Cocitong kamandag ang tubig.
8
Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat,
may punong Higerang daho’y kulay pupas;
dito nagagapos ang kahabag-habag,
isang pinag-usig ng masamang palad.
9
Baguntaong basal na ang anyo’t tindig,
kahit natatali-kamay paa’t liig,
kundi si Narciso’y tunay na Adonis,
mukhang sumisilang sa gitna ng sakit.
10
Makinis ang balat at anaki’y burok
pilikmata’y kilay-mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
sangkap ng katawa’y pawang magkaayos.
11
Dangan doo’y walang Oreadas Nimfas,
gubat ng Palasyo ng masidhing Harpias,
nangaawa disi’t naakay lumiyag
sa himalang tipon ng karikta’y hirap.
12
Ang abang uyamin ng dalita’t sakit-
ang dalawang mata’y bukal ang kaparis;
sa luhang nanakit at tinangis-tangis,
ganito’y damdamin ng may awang dibdib.
13
“Mahiganting langit! bangis mo’y nasaan?
ngayo’y naniniig sa pagkagulaylay;
bago’y ang bandila ng lalong kasam-an
sa Reynong Albania’y iwinawagayway.
14
“Sa loob at labas ng bayan ko sawi,
kaliluha’y siyang nangyayaring hari,
kagalinga’t bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa’t pighati.
15
“Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat na kutya’t linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing na walang kabaong.
16
“Nguni ay ang lilo’t masasamang-loob
sa trono ng puri ay iniluluklok;
at sa balang sukab na may asal-hayop,
mabangong insenso ang isinusuob.
17
“Kaliluha’t sama ang ulo’y nagtayo
at ang kabaita’y kimi’t nakayuko;
santong katuwira’y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo.
18
“At ang balang bibig na binubukalan
ng sabing magaling at katotohanan,
agad binibiyak at sinisikangan
ng kalis ng lalong dustang kamatayan.
19
“O, taksil na pita sa yama’t mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!
20
“Sa korona dahil ng Haring Linceo
at sa kayamanan ng Dukeng Ama ko,
ang ipinangangahas ng Konde Adolfo
sabugan ng sama ang Albanyang Reyno.
21
“Ang lahat ng ito’y maawaing Langit,
Iyong tinutungha’y ano’t natitiis?
mula Ka ng buong katuwira’t bait,
pinapayagan Mong ilubog ng lupit.
22
“Makapangyarihang kanan Mo’y ikilos,
papamilantikan ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya’y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob.
23
“Bakit Kalangita’y bingi Ka sa akin,
ang tapat kong luhog ay hindi Mo dinggin?
diyata’t sa isang alipusta’t iring,
sampung tainga mo’y ipinangunguling?
24
“Datapuwa’t sino ang tatarok kaya
sa mahal Mong lihim, Diyos na dakila?
walang nangyayari sa balat ng lupa,
di may kagalingang Iyong ninanasa.
25
“Ay! di saan ngayon ako mangangapit!
saan ipupukol ang tinangis-tangis,
kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit
ang sigaw ng aking malumbay na boses!
26
“Kung siya mong ibig na ako’y magdusa,
Langit na mataas, aking mababata;
isagi mo lamang sa puso ni Laura–
ako’y minsan-minsang mapag-alaala.”