**Dalawang Uri ng Ama**
69
Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas,
putong na turbante ay kalingas-lingas
pananamit moro sa Persyang siyudad.
70
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw,
anaki’y ninitang pagpapahingahan,
di kaginsa-ginsa’y ipinagtapunan
ang pika’t adarga’t nagdaop ng kamay.
71
Saka tumingala’t mata’y itinirik
sa bubong ng kahoy na takip sa Langit,
istatuwa manding nakatayo’y umid,
ang buntunghininga niya’y walang patid.
72
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo,
sa puno ng isang kahoy ay umupo,
nagwikang “O palad!” sabay ang pagtulo
sa mata ng luhang anaki’y palaso.
73
Ulo’y ipinatong sa kaliwang kamay
at saka tinutop ang noo ng kanan;
isang mayroong ginugunamgunam–
isang mahalagang nalimutang bagay.
74
Malao’y humilig, nagwalang-bahala,
di rin kumakati ang batis ng luha;
sa madlang himutok ay kasalamuha
ang wikang: “Flerida’y tapos na ang tuwa!”
75
Sa balang sandali ay sinasabugan
yaong buong gubat ng maraming “Ay! Ay!”
na nakikitono sa huning mapanglaw
ng panggabing ibong doo’y nagtatahan.
76
Pamaya-maya’y nabangong nagulat,
tinangnan ang pika’t sampu ng kalasag;
nalimbag sa mukha ang bangis ng furias–
“Di ko itutulot!” ang ipinahayag.
77
“At kung kay Flerida’y iba ang umagaw
at di ang ama kong dapat na igalang,
hindi ko masabi kung ang pikang tangan–
bubuga ng libo’t laksang kamatayan!
78
“Bababa si Marte mula sa itaas
at kailalima’y aahon ang Parcas;
buong galit nila ay ibubulalas,
yayakagin niring kamay kong marahas!
79
“Sa kuko ng lilo’y aking aagawin
ang kabiyak niring kaluluwang angkin;
liban na kay ama, ang sinuma’t alin
ay di igagalang ng tangang patalim.
80
“O, pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw;
pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang!
81
“At yuyurakan na ang lalong dakila–
bait, katuwira’y ipanganganyaya;
buong katungkula’y wawal-ing-bahala,
sampu ng hininga’y ipauubaya.
82
“Itong kinaratnan ng palad ko linsil
salaming malinaw na sukat mahalin
ng makatatatap, nang hindi sapitin
ang kahirapan kong di makayang bathin.”
83
Sa mawika ito luha’y pinaagos,
pika’y isinaksak saka naghimutok;
nagkataon namang parang isinagot
ang buntunghininga niyaong nagagapos.
84
Gerero’y namangha nang ito’y marinig,
pinagbaling-baling sa gubat ang titig;
nang walang makita’y hinintay umulit,
di man nalao’y nagbangong humibik.
85
Ang bayaning Moro’y lalo nang namaang,
“Sinong nanaghoy sa ganitong ilang?”
lumapit sa dakong pinanggagalingan
ng buntunghininga’t pinakimatyagan.
86
Inabutan niya’y ang ganitong hibik:
“Ay, mapagkandiling amang iniibig!
bakit ang buhay mo’y naunang napatid,
ako’y inulila sa gitna ng sakit?
87
“Kung sa gunita ko’y pagkuru-kuruin
ang pagkahulog mo sa kamay ng taksil,
parang nakikita ang iyong narating…
parusang marahas na kalagim-lagim.
88
“At alin ang hirap na di ikakapit
sa iyo ng Konde Adolfong malupit?
ikaw ang salamin – sa Reyno – ng bait,
pagbubuntunan ka ng malaking galit.
89
“Katawan mo ama’y parang namamalas
ngayon ng bunso mong lugami sa hirap;
pinipisan-pisan at iwinawalat
ng pawa ring lilo’y berdugo ng sukab.
90
“Ang nagkahiwalay na laman mo’t buto,
kamay at katawang nalayo sa ulo,
ipinaghagisan niyong mga lilo
at walang maawang naglibing na tao.
91
“Sampu ng lingkod mo’t mga kaibigan
kung kampi sa lilo’y iyong nang kaaway;
ang di nagsiayo’y natatakot namang
bangkay mo’y ibao’t mapaparusahan.
92
“Hanggang dito ama’y aking naririnig,
nang ang iyong ulo’y itapat sa kalis;
ang panambitan mo’t dalangin sa Langit,
na ako’y maligtas sa kukong malupit.
93
“Ninanasa mo pang ako’y matabunan
ng bangkay sa gitna ng pagpapatayan,
nang huwag mahulog sa panirang kamay
ng Konde Adolfong higit sa halimaw.
94
“Pananalangin mo’y di pa nagaganap,
sa liig mo’y biglang nahulog ang tabak;
nasnaw sa bibig mong huling pangungusap
ang Adiyos bunso’t buhay mo’y lumipas.
95
“Ay, amang ama ko! kung nagunamgunam–
madla mong pag-irog at pagpapalayaw,
ipinapalaso ng kapighatian–
luha niring pusong sa mata’y nunukal.
96
“Walang ikalawang ama ka sa lupa
sa anak na kandong ng pag-aaruga;
ang munting hapis kong sumungaw sa mukha,
sa habag mo’y agad nanalong ang luha.
97
“Ang lahat ng tuwa’y natapos sa akin,
sampu niring buhay ay naging hilahil;
ama ko’y hindi na malaong hihintin
ako’t sa payapang baya’y yayakapin.”
98
Sandaling tumigil itong nananangis,
binigyang-panahon luha’y tumagistis
niyong naawang morong nakikinig…
sa habag ay halos magputok ang dibdib.
99
Tinutop ang puso at saka nagsaysay,
“Kailan,” aniya, “luha ko’y bubukal
ng habag kay ama at panghihinayang
para ng panaghoy ng nananambitan?
100
“Sa sintang inagaw ang itinatangis,
dahilan ng aking luhang nagbabatis;
yao’y nananaghoy dahil sa pag-ibig
sa amang namatay na mapagtangkilik.
101
“Kung ang walang patid na ibinabaha
ng mga mata ko’y sa hinayang mula–
sa mga palayaw ni ama’t aruga–
malaking palad ko’t matamis na luha.
102
“Ngunit ang nanahang maralitang tubig…
sa mukha’t dibdib kong laging dumidilig,
kay ama nga galing datapuwa’t sa bangis,
hindi sa andukha at pagtatangkilik.
103
“Ang matatawag kong palayaw sa akin
ng ama ko’y itong ako’y pagliluhin,
agawan ng sinta’t panasa-nasaing
lumubog sa dusa’t buhay ko’y makitil.
104
“May para kong anak na napanganyaya,
ang layaw sa ama’y dusa’t pawang luha?
hindi nakalasap kahit munting tuwa
sa masintang inang pagdaka’y nawala!”