**Pagliligtas ni Aladin kay Florante**
126
Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak,
gerero’y hindi na napigil ang habag,
tinunton ang boses at siyang hinanap,
patalim ang siyang nagbukas ng landas.
127
Dawag na masinsi’y naglagi-lagitik
sa dagok ng lubhang matalas na kalis;
moro’y di tumugot hanggang di nasapit
ang binubukalan ng maraming tangis.
128
Anyong pantay-mata ang lagay ng araw
niyong pagkatungo sa kalulunuran;
siyang pagkataas sa kinalalagyan
nitong nagagapos na kahambal-hambal.
129
Nang malapit siya’t abutin ng sulyap
ang sa pagkatali’y linigid ng hirap,
nawalan ng diwa’t luha’y lumagaslas,
katawan at puso’y nagapos ng habag.
130
Malaong natigil na di nakakibo,
hininga’y hinabol na ibig lumayo;
matutulog disin sa habag ang dugo,
kundangan nagbangis leong nangagtayo.
131
Naakay ng gutom at gawing manila,
nag-uli sa ganid at nawalang-awa;
handa na ang ngipi’t kukong bagong hasa
at pagsasabayan ang gapos ng iwa.
132
Tanang balahibo’y pinapangalisag,
nanindig ang buntot na nakagugulat;
sa bangis ng anyo at nginasab-ngasab,
Puryang nagngangalit ang siyang katulad.
133
Nagtaas ang kamay at nangakaakma
sa katawang gapos ang kukong pansira;
nang darakmain na’y siyang pagsagasa
niyong bagong Marteng lumitaw sa lupa.
134
Inusig ng taga ang dalawang leon,
si Apolo mandin sa Serp’yente Piton;
walang bigong kilos na di nababaon
ang lubhang bayaning tabak na pamutol.
135
Kung ipamilantik ang kanang pamatay
at saka isalag ang pang-adyang kamay,
maliliksing leon ay nangalilinlang,
kaya di nalao’y nangagumong bangkay.
136
Nang magtagumpay ang gererong bantog
sa nangakalabang mabangis na hayop,
luha’y tumutulong kinalag ang gapos
ng kaawa-awang iniwan ng loob.
137
Halos nabibihay sa habag ang dibdib,
dugo’y nang matingnang nunukal sa gitgit;
sa pagkalag niyang maliksi’y nainip
sa siga-sigalot na madlang bilibid.
138
Kaya ang ginawa’y inagapayanan,
katawang malatang parang bagang bangkay;
at minsang pinatid ng espadang tangan
walang awang lubid na lubhang matibay.
139
Umupo’t kinalong na naghihimutok,
katawang sa dusa hininga’y natulog;
hinaplos ang mukha’t dibdib ay tinuptop,
nasa ng gerero’y pagsaulang-loob.
140
Doon sa pagtitig sa pagkalungayngay
na kanilang kalong kalumbay-lumbay,
nininilay niya at pinagtatakhan
ang dikit ng kiyas at kinasapitan.
141
Namamangha naman ang magandang kiyas,
kasing-isa’t ayon sa bayaning tikas;
mawiwili disin ang iminamalas
na mata, kandungan sa malaking habag.
142
Gulung-gulong lubha ang kaniyang loob,
nguni’t napayapa ng anyong kumilos
itong abang kandong na kalunus-lunos,
nagising ang buhay na nakakatulog.
143
Sa pagkalungayngay mata’y idinilat,
himutok ang unang bati sa liwanag;
sinundan ng taghoy na kahabag-habag;
“Nasaan ka Laura sa ganitong hirap?”
144
“Halina, giliw ko’t gapos ko’y kalagin,
kung mamatay ako’y gunitain mo rin.”
pumikit na muli’t napatid ang daing,
sa may kandong namang takot na sagutin.
145
Ipinanganganib ay baka mabigla,
magtuloy mapatid hiningang mahina;
hinintay na lubos niyang mapayapa
ang loob ng kandong na lipos-dalita.
146
Nang muling mamulat ang nagitlaanan,
“Sino? sa aba ko’t nasa Morong kamay!”
ibig na iigtad ang lunong katawan,
nang hindi mangyari’y nagngalit na lamang.
147
Sagot ng gerero’y “Huwag kang manganib
sumapayapa ka’t mag-aliw ng dibdib;
ngayo’y ligtas ka na sa lahat ng sakit,
may kalong sa iyo ang nagtatangkilik.
148
“Kung nasusuklam ka sa aking kandungan,
lason sa puso mo ang hindi binyagan
nakukutya akong di ka saklolohan
sa iyong nasapit na napakarawal.
149
“Ipinahahayag ng pananamit mo,
taga-Albanya ka at ako’y Persyano;
ikaw ay kaaway ng baya’t sekta ko,
sa lagay mo ngayo’y magkatoto tayo.
150
“Moro ako’y lubos na taong may dibdib
at nasasaklaw rin ng utos ng Langit;
dine sa puso ko’y kusang natititik-
natural na ley-ing sa aba’t mahapis.
151
“Anong gagawin ko’y aking napakinggan
ang iyong pagtaghoy na kalumbay-lumbay,
gapos na nakita’t pamumutiwanan
ng dalawang ganid, ng bangis na tangan.”
152
Nagbuntunghininga itong abang kalong
at sa umaaaliw na Moro’y tumugon,
“Kung di mo kinalag sa puno ng kahoy,
nalibing na ako sa tiyan ng leon.
153
“Payapa na naman disin yaring dibdib,
napagkikilalang kaaway kang labis;
at di binayaang nagkapatid-patid
ang aking hiningang kamataya’t sakit.
154
“Itong iyong awa’y di ko hinahangad,
patayin mo ako’y siyang pitang habag;
di mo tanto yaring binabatang hirap,
na ang kamatayan ang buhay kong hanap.”
155
Dito napahiyaw sa malaking hapis
ang Morong may awa’t luha’y tumagistis;
siyang itinugon sa wikang narinig
at sa panlulumo’y kusang napahilig.
156
Anupa’t kapwa hindi nakakibo
di nangakalaban sa damdam ng puso;
parang walang malay hanggang sa magtago’t
humilig sa Pebo sa hihigang ginto.
157
May awang gerero ay sa maramdaman,
malamlam na sinag sa gubat ay nanaw,
tinunton ang landas na pinagdaanan,
dinala ang kalong sa pinanggalingan.
158
Doon sa naunang hinintuang dako
nang masok sa gubat ang bayaning Moro,
sa isang malapad, malinis na bato,
kusang pinagyaman ang lugaming pangko.
159
Kumuha ng munting baong makakain,
ang nagdaralita’y inamong tumikim,
kahit umaayaw ay nahikayat din
ng sabing malambot na pawang pang-aliw.
160
Naluwag-luwagan ang panghihingapos,
sapagka’t naawas sa pagkadayukdok,
hindi kinukusa’y tantong nakatulog,
sa sinapupunan ng gererong bantog.
161
Ito’y di umidlip sa buong magdamag,
sa pag-aalaga’y nagbata ng puyat;
ipinanganganib ay baka makagat
ng ganid na madlang nagkalat sa gubat.
162
Tuwing magigising sa magaang tulog,
itong lipos-hirap ay naghihimutok,
pawang tumitirik na anaki’y tunod
sa dibdib ng Morong may habag at lunos.
163
Nang magmamadaling-araw ay nahimbing,
munting napayapa sa dalang hilahil;
hanggang sa Aurorang itaboy ang dilim,
walang binitiwang himutok at daing.
164
Ito ang dahilang ipinagkasundo,
limang karamdamang parang hinahalo;
ikinatiwasay ng may dusang puso,
lumakas na muli ang katawang hapo.
165
Kaya’t nang isabog sa sansinukuban
ang doradong buhok ng masayang araw,
nagbangong hinaho’t pinasalamatan
sa Langit ang bagong lakas ng katawan.
166
Sabihin ang tuwa ng gererong hayag,
ang abang kinalong ay biglang niyakap;
kung nang una’y nukal ang luha sa habag,
ngayo’y sa galak na ang inilagaslas.
167
Kapos ang dila kong magsaysay ng laki
ng pasasalamat nitong kinandili;
kundangan ang dusa’y sa nawalang kasi
ay napawi disin sa tuwang umali.
168
Sapagka’t ang dusang mula sa pag-ibig
kung kahit mangyaring lumayo sa dibdib,
kisapmata lamang ay agad babalik
at magdaragdag pa sa una ng bangis.
169
Kaya hindi pa rin halos dumadapo
ang tuwa sa lamad ng may dusang puso
ay itinakwil na ang dalitang lalo
at ang tunod niya’y siyang itinimo.
170
Niyapos na muli ang dibdib ng dusa,
hirap yatang bathin ng sakit sa sinta!
dangan inaaliw ng Moro sa Persya,
natuluyang nanaw ang tangang hininga.
171
“Iyong natatanto ang aking paglingap,”
anitong Persyano sa nababagabag;
“mula ng hirap mo’y ibig kong magtatap
at nang kung may daa’y malagyan ng lunas.”
172
Tugon ng may dusa’y “di lamang ang mula
niring dalita ko ang isasalita,
kundi sampung buhay sapul sa pagkabata,
nang maganapan ko ang hingi mo’t nasa.”
173
Nupong nag-agapay sa puno ng kahoy
ang may dalang habag at lipos-linggatong,
saka sinalitang luha’y bumabalong,
buong naging buhay hanggang naparool.