**Buhay sa Atenas**
205
“Pag-aaral sa akin ay ipinatungkol
sa isang mabait, maestrong marunong;
lahi ni Pitaco–ngala’y si Antenor–
lumbay ko’y sabihin nang dumating doon.
206
“May sambuwan halos na di nakakain,
luha sa mata ko’y di mapigil-pigil,
nguni’t napayapa sa laging pag-aliw
ng bunying maestrong may kupkop sa akin.
207
“Sa dinatnan doong madlang nag-aaral
kaparis kong bata’t kabaguntauhan,
isa’y si Adolfong aking kababayan,
anak niyong Konde Silenong marangal.
208
“Ang kaniyang tao’y labis ng dalawa
sa dala kong edad na lalabing-isa;
siyang pinopoon ng buong eskwela,
marunong sa lahat na magkakasama.
209
“Mahinhin ang asal na hindi magaso
at kung lumakad pa’y palaging patungo
mabining mangusap at walang katalo,
lapastanganin ma’y hindi nabubuyo.
210
“Anupa’t sa bait ay siyang huwaran
ng nagkakatipong nagsisipag-aral;
sa gawa at wika’y di mahuhulihan
ng munting panira sa magandang asal.
211
“Ni ang katalasan ng aming maestro
at pagkabihasa sa lakad ng mundo
ay hindi natarok ang lihim at tungo
ng pusong malihim nitong si Adolfo.
212
“Akong pagkabata’y ang kinamulatan
kay ama’y ang bait na di paimbabaw,
yaong namumunga ng kaligayahan,
nanakay sa pusong suyui’t igalang.
213
“Sa pinagtatakhan ng buong eskwela
bait ni Adolfong ipinakikita,
di ko malasapan ang haing ligaya
ng magandang asal ng ama ko’t ina.
214
“Puso ko’y ninilag na siya’y giliwin,
aywan nga kung bait at naririmarim;
si Adolfo nama’y gayundin sa akin,
nararamdaman ko kahit lubhang lihim.
215
“Araw ay natakbo at ang kabataan
sa pag-aaral ko sa aki’y nananaw;
bait ko’y luminis at ang karunungan,
ang bulag kong isip ay kusang dinamtan.
216
“Natarok ang lalim ng pilosopiya,
aking natutuhan ang astrolohiya,
natantong malinis ang kataka-taka
at mayamang dunong ng matematika.
217
“Sa loob ng anim na taong lumakad,
itong tatlong dunong ay aking nayakap;
tanang kasama ko’y nagsipanggilalas,
sampu ng maestrong tuwa’y dili hamak.
218
“Ang pagkatuto ko anaki’y himala,
sampu ni Adolfong naiwan sa gitna;
maingay na pamang tagapamalita,
sa buong Atenas ay gumala-gala.
219
“Kaya nga at ako ang naging hantungan,
tungo ng salita ng tao sa bayan;
mulang bata’t hanggang katanda-tandaan
ay nakatalastas ng aking pangalan.
220
“Dito na nahubdan ang kababayan ko
ng hiram na bait na binalatkayo;
kahinhinang-asal na pakitang-tao,
nakilalang hindi bukal kay Adolfo.
221
“Natanto ng lahat na kaya nanamit
niyong kabaitang di taglay sa dibdib
ay nang maragdag pa sa talas ng isip
itong kapurihang mahinhi’t mabait.
222
“Ang lihim na ito’y kaya nahalata,
dumating ang araw ng pagkakatuwa;
kaming nag-aaral baguntao’t bata,
sarisaring laro ang minunakala.
223
“Minulan ang gali sa pagsasayawan,
ayon sa musika’t awit na saliwan;
larong buno’t arnis na kinakitaan
na kani-kaniyang liksi’t karunungan.
224
“Saka inilabas namin ang trahedya
ng dalawang apo ng tunay na ina
at mga kapatid ng nag-iwing amang
anak at esposo ng Reyna Yocasta.
225
“Papel ni Eteocles ang naging tungkol ko
at si Polinice nama’y kay Adolfo;
isang kaeswela’y siyang nag-Adrasto
at ang nag-Yocasta’y bunying si Minandro.
226
“Ano’y nang mumulan ang unang batalya
ay ang aming papel ang nagkakabaka,
nang dapat sabihing ako’y kumilala’t
siya’y kapatid kong kay Edipong bunga.
227
“Nanlisik ang mata’y ang ipinagsaysay
ay hindi ang ditsong nasa orihinal,
kundi ang winika’y ‘Ikaw na umagaw
ng kapurihan ko’y dapat kang mamatay!’
228
“Hinanduolong ako, sabay nitong wika,
ng patalim niyang pamatay na handa,
dangan nakaiwas ako’y nabulagta
sa tatlong mariing binitiwang taga.
229
“Ako’y napahiga sa inilag-ilag,
sinabayang bigla ng tagang malakas;
(salamat sa iyo, O Minandrong liyag,
kundi ang liksi mo, buhay ko’y nautas!)
230
“Nasalag ang dagok na kamatayan ko,
lumipad ang tanging kalis ni Adolfo;
siyang pagpagitan ng aming maestro
at nawalang-diwang kasama’t katoto.
231
“Anupa’t natapos yaong katuwaan
sa pangingilabot at kapighatian;
si Adolfo’y di na namin nabukasan,
noon di’y nahatid sa Albanyang bayan.
232
“Naging santaon pa ako sa Atenas,
hinintay ang loob ng ama kong liyag;
sa aba ko’t noo’y tumanggap ng sulat
na ang balang letra’y iwang may kamandag.
233
“Gunamgunam na di napagod humapis,
di ka naianod ng luhang mabilis;
iyong ginugulo ang bait ko’t isip
at di mo payagang payapa ang dibdib!
234
“(Kamandag kang lagak niyong kamatayan
ng sintang ina ko’y di nagpakundangan;
sinasariwa mo ang sugat na lalang
na aking tinanggap na palasong liham!)
235
“(Tutulungan kita ngayong magpalala
ng hapdi sa pusong di ko maapula;
namatay si ina’y laking dalita,
ito sa buhay ko ang unang umiwa.)
236
“Patay na dinampot sa aking pagbasa
niyong letrang titik ng bikig na pluma;
diyata, ama ko, at nakasulat ka
ng pamatid-buhay sa anak na sinta!
237
“May dalawang oras na nakamalay
ng pagkatao ko’t ng kinalalagyan;
dangan sa kalinga ng kasamang tanan
ay di mo na ako nakasalitaan.
238
“Nang mahimasmasa’y narito ang sakit,
dalawa kong mata’y naging parang batis;
at ang Ay! ay, ina! kung kaya napatid
ay nakalimutan ang paghingang gipit.
239
“Sa panahong yao’y ang buo kong damdam
ay nanaw sa akin ang sandaigdigan;
nag-iisa ako sa gitna ng lumbay
ang kinakabaka’y sarili kong buhay.
240
“Hinamak ng aking pighating mabangis
ang sa maestro kong pang-aliw na boses;
ni ang luhang tulong ng samang may hapis
ay di nakaawas sa pasan kong sakit.
241
“Baras na matuwid ay nilapastangan
ng lubhang marahas na kapighatian;
at sa isang titig ng palalong lumbay,
diwa’y lumipad, niring katiisan.
242
“Anupa’t sa bangis ng dusang bumugso,
minamasarap kong mutok yaring puso;
at nang ang kamandag na nakapupuno,
sumamang dumaloy sa agos ng dugo.
243
“May dalawang buwang hindi nakatikim
ako ng linamnam ng payapa’t aliw;
ikalawang sulat ni ama’y dumating,
sampu ng sasakyang sumundo sa akin.
244
“Saad sa kalatas ay biglang lumuhan
at ako’y umuwi sa Albanyang bayan;
sa aking maestrong nang nagpapaalam,
aniya’y ‘Florante, bilin ko’y tandaan.
245
“Huwag malilingat at pag-ingatan mo
ang higanting handa ni Konde Adolfo;
pailag-ilagang parang basilisko,
sukat na ang titig na matay sa iyo.
246
“Kung ang isalubong sa iyong pagdating
ay masayang mukha’t may pakitang-giliw,
lalong pag-ingata’t kaaway na lihim,
siyang isaisip na kakabakahin.
247
“Dapuwa’t huwag kang magpapahalata,
tarok mo ang lalim ng kaniyang nasa;
ang sasandatahi’y lihim na ihanda,
nang may ipagtanggol sa araw ng digma.’
248
“Nang mawika ito, luha’y bumalisbis
at ako’y niyakap na pagkahigpit-higpit;
huling tagubilin: ‘bunso’y katitiis
at hinihintay ka ng maraming sakit.
249
“At mumulan mo na ang pakikilaban
sa mundong bayaning punong kaliluhan.’
hindi na natapos at sa kalumbayan,
pinigil ang dila niyang nagsasaysay.
250
“Nagkabitiw kaming malumbay kapuwa,
tanang kaeskwela–mata’y lumuluha;
si Minandro’y labis ang pagdaralita,
palibhasa’y tapat na kapuwa bata.
251
“Sa pagkakalapat ng balikat namin,
ang mutyang katoto’y di bumitiw-bitiw
hanggang tinulutang sumama sa akin
ng aming maestrong kaniyang amain.
252
“Yaong paalama’y anupa’t natapos
sa pagsasaliwan ng madlang himutok;
at sa kaingaya’t gulo ng adiyos,
ang buntunghininga ay nakikisagot.
253
“Magpahanggang daong ay nagsipatnubay
ang aking maestro’t kasamang iiwan;
umihip ang hangi’t agad nahiwalay
sa Pasig Atenas ang aming sasakyan.”